Lunes. Umuulan.



[siya]

"Lagi na lang umuulan," sambit ni katabi.

"... Ewan ko nga rin," sabi ko.

Ewan ko nga rin. Ano nga ba talaga? Ewan ko, talaga. Ayun napa-"huh?" na lang siya. Hindi ko talaga alam, eh. Lagi na lang umuulan ... napakasentimental na man nun. Napaisip tuloy ako. Ano yun, kanta? Hay, ewan. Lunch break kasi, walang magawa.

"Uy," kalabit ni katabi. Lumingon naman sa kaliwa itong gaga. "Pakoypa," ang ikli niyang dugtong.

...

"Ng?" ... ano nga iyon? "Ngek, yung assignment sa English!" bulalas niya. "Ay," patay. "Hindi ko alam ..." ... lagot.

Ano nga ba, ineng?

Ito ang napapala ng mga estudyanteng mahilig magsulat ng notes sa isang papel, imbes na sa notebook. Tamad-tamad kasi kumuha ng notebook sa bag, eh. 'yan tuloy.

"Page 57, dali!" ... h'wag mo naman akong madaliin. "Bilis, bilis!"

Hindi naman siya makulit, at alam niya iyon. Alam din ng buong klase, o ng eskwela, sa tingin ko lang. Sobra, grabe.

Siyempre, kokopya siya kay katabi ... kay gulo ng mundo, tama nga. Buti na lamang, madali lang ang mga pinasasagutan. Kay dali kong natapos, kay dali niyang kumopya ... sayang, tapos na rin ako. Sigurado, pareho iskor niya kay katabi. "Tapos ka na? ..."

Hay, nakakatamad naman. "Sana uwian na, no?" Sana nga, hiling ko rin.

Ako'y napalingon sa tabing bintana. Nakita doo'y kagandahang nakakabulag, nakakapanghikbi, nakakapang-init ng ulo, malamig pa naman din ang panahon. La la la ...

Ayan, napakanta na lamang siya.

Ulan ... ulan ... ulan. May kanta yatang ganun yung takbo nung lyrics.

Miss English teacher, nasaan ka na? Sa susunod, pakibilisan po yung pagkain, h'wag na rin tsitsika sa faculty, no? Pahabol pa; masama ho ang pigilin ang tulog -- sabi ni katabi.

...

Sa susunod ... please lang.

[si katabi]

"Aalis ka na? Teka, yung baon mo!"

Ang baon ko nga pala ay isang malutong na limang tig-bebente. Kaka-Pasko lang kasi. Mga, siguro, siyam na araw nang nakararaan ... tama, lunes na naman, at bagong taon na -- bagong taon na naman? Siguro kung ire-rewind mo ng mga ilang buwan. Siguro.

Pero pareho lang 'yun. May klase pa rin, kaya pareho lang.

Panibagong nag-aatikabong diskusyon na naman ... hay buhay. (Pareho lang nga.)

Papunta pa lamang sa eskwela, stress na. (Paano ba naman kasi, papunta pa lamang doon, kung anu-ano na ang iniisip dito.) Kung sana'y isang lakaran na lamang, sayang tuloy yung bente. Malutong pa 'yun. Si manong naman, barya na lang, 'di pa makinang. Year kopong kopong pa yata. (Joke lang.)

Makulimkulimlim ang panahon; kailangan magmadali, baka maabutan pa nang biglang buhos ng ulan. (Ayoko nga nun.)

...

Sa classroom--- wala pa si madam.

Isa lang ang ibig sabihin nun -- hindi ako late. Wow, for the first time! (Wow, nosebleed.)

Natrapik siguro. (Sa corridor siguro ... sobra trapik dun. Heh heh!)

Ano naman ngayon ...

Maayos ang itsura ng classroom, ba't nagkakagulo naman ang mga mokong ito ... may ibig sabihin din ba ito?

"Uy," kalabit ni katabi. "May oslo paper ka pa?"

Ay, naku. Nginitian ko na lang siya. "Wala ... haha, kala mo meron no?"

Tinambakan nga pala kami ng mga takdang aralin ni madam. Nakalimutan ko ... haba kasi ng bakasyon, eh. (Mahaba nga ba?)

'Di nga naabutan ni madam, inabot naman nang siyam siyam. Ba't naman kaya oslo paper pa? (Kaunting sulat lang naman ... pasosyal ba? ...)

[at si katabi]

"Class dismiss." Bukas ay ... Martes.

"Huh ..."

Lunes sa Martes, Martes sa Lunes -- wala ring pinagkaiba ... pwera na lang kung walang pasok, o bakasyon, ibang usapan na 'yun.

Maaga kaming pinauwi ngayon, salamat naman sa Diyos. Paano naman ba kasi'y walang hinto ang pag-ulan. Inantok tuloy ang buong klase, pati si ma'am. Malamang mas masarap matulog sa faculty, no? Mas malamig, mas masarap -- sabi nga.

Minsan lang naman makakuha ng ganitong panahon, bakit 'di pa gawing sulitin.

Ayun, lahat halos na nadaraanan ko, nakasuot ng sweater. Pagpawisan sana sila.

Tutal, uso naman iyon -- yung pagswe-sweater kahit di naman gaanong kalamigan?

Sinisipon na tuloy ako.

Makauwi na nga.

...

Sa bahay--- "Aga mo yatang umuwi," ang bati. Maaga naman talaga akong umuwi.

... Nakakagutom pala umuwi nang maaga?

Ate, gusto ko ng tinapay. Kuya, gusto ko ng malamig na samalamig? Teka, may ate ba ko? Ay basta. Kahit ano na. Kanin, pwede na rin. Wala naman kasing makakain dito, kahit anong angal ko. Pader lang.

Sa labas lang talaga ... o sa tindahan.

Balik, labas.

...

Hala. Sira lahat ng payong. Si kapitbahay, wala sa bahay (niya). Ngayon, takbuhin na lang ang ulan. Sakto namang nakita si katabi malapit sa bakery ... "Ate,"

...

"pakidagdagan pa ng isa yung tinapay ..."

...

"Hintay lang ha."